Kagabi habang umiinom kami ay napag usapan ang ibat ibang klase ng inuming alak. Kung paano nagbabago ang panlasa natin habang nagbabago ang panahon. Marahil kung ikaw ay teenager noong dekada nobenta ay nalasing ka ng pinaghalong pale pilsen at gin at kalaunan dahil sa hidhid nating mga pinoy sa pait ng lasa ng alak ay naging redhorse-gin na. Tangna, kapag iniisip ko ay di ko maiwasang maduwal. Pero may sasarap pa ba sa gilbey's gin na may halong lime juice na talo pa ang pabango sa bango. Sa isang baso ay 3/4 ang gilbey's at 1/4 ang lime juice, na nauna kong natikman sa kanto ng P Urdaneta at Antipolo, Nuevo kasama ang mga kapwa member ng Agape Chorale (Ang nangungunang grupo ng choir noon sa OLGP). Gapang halos pag uwi ng Pque. Nahuli pa ng pulisya sa edsa at pinakanta ng LH dahil tumawid papuntang Loyola. Kaloka. Wala pa palang MRT noon halos. Ginagawa pa lang ata (DI AKO SURE) kaya pede pa tumawid. Diyan nga pala nag swerve ang car noon ng kaibigan sa hukay nang ginagawa ang MRT. Anyway, gagapang ka talaga sa tama ng gilbey's gin at lime juice noon. Hindi ka halos makakabangon sa hang over nito. Pagbukas ko kinabukasan ng ref ay nagkataon na may lime juice dito. Sukang literal ang inabot ko ng nakita ko ito. Anjan din na nang papasok na ang bagong milenyo ay sabay sabay ding nahilo ang mga kabataan maging mga nanay at tatay sa kakaibang kumbinasyon ng Gin-Pomelo at naglabasan ang iba't ibang flavor ng lambanog na tangina kahit ngayon ay ako'y nasusuka kapag aking naaalala. Kapag ikaw ay umay na ay may mga pagpipilian naman din gaya ng tanduay dark at Emperador na iniba na ngayon ang market. Noon ay tatayo ang buhok mo pati sa kili kili kapag nag shot ka ng empe. Kalaunan ay medyo tinabangan nila ang timpla kaya inakap ng masa. Bentang benta. Iniisip ko lang na maa-appreciate pa kaya ng mga kabataan noon na medyo rarara na ngaun at nasa pagitan na ang edad ng kuwarenta at singkuwenta ang pait ng pinagsamang pale pilsen at gin o redhore at gin? Kaya pa kaya nila o nating inumin ang lasa ng mabango at nakakasukang tamis ng gilbey's gin na may lime? Ang panahong mainit, nakaka hilo, at nakakasuka ngunit nag enjoy tayo. -fin

Comments